INIWAN KO ANG PAMILYA
By: Dramonz C. Mariano (Ka Ramon)
Bakit ko iniwan, bayan kong sinilangan
Pati na pamilya’t mga kamag-anakan
Tanong na masakit na pinag-iisipan
Nang tulad kong may pusong isang makabayan
Dumayo ako sa banyagang bayan
AMERICA ang ngalan, maunlad at mayaman
Upang mabigyan ko magandang kinabukasan
Ang mga anak ko pati kamag-anakan
Gustuhin ko mang isama dito sa AMERICA
Aking mga anak para kami’y sama-sama
Pinag-apply ko ng visa duon sa Embahada
Nabigo at umuwi di makapag-turista
Sinikap kong ayusin ang papeles ko rito
Kumunsulta sa kaibigan pati sa abogado
Napag-alaman ko kung hanggang magkano
Ang magagastos pagpapaayos ng kaso
Hindi nagtagal nakakuha ako ng trabaho
Bilang katulong ng punong kusinero
Mga niluluto’y pagkaing Pilipino
Gawa ko’y taga hugas, taga ihaw, taga prito
Kinikita kong pera pinadadala sa probinsya
Pambayad sa bahay, pagkain at matrikula
Kung ako’y sa Pilipinas di ko na ito kaya
Kahit anong trabaho, dito ko kinaya
Sariwa pa nga sa aking mga alaala
Namamasukan pa ako sa isang pabrika
Buwanang kinita ‘sang lingo lang wala na
Uutang na naman duon kay Kapitana
Sa bayan natin, buwanang suweldo ko
Dalawang araw lang, kinita ko na rito
Sobra pa sa pamilya at mga gastos mo
Meron pa ika mong pantaya sa LOTTO
Pagdating sa bahay pagod ang katawan
Sa maghapong trabaho at lakad sa lansangan
Antok ay mailap kahit busog ang tiyan
Naaalala ko mga anak na naiwan
Gusto ko mang bumalik duon sa ating bayan
Pamasahe na nga lang malaki ng kayamanan
Pagsikapan ko na lang ang aming kapalaran
Sa awa ng Poon di nya tayo pababayaan
Permisong makatrabaho mula sa Gobyerno
Sa dasal AT ROSARIO nabigyan din ako
Salamat Diyos ko sa mga gabay mo
Magpupuri sa iyo habang buhay ako
Nakakuha ng trabaho ayon sa ‘king kurso
Meron ng seguro’t mga benepisyo
Maluwag-luwag na nga ang paghinga ko
Sa aking pag-uwi, mayrooon pang suweldo
Sa tuwing papasok papuntang Manhattan
Iniisip ko na lang ito ay Baclaran
Pagsakay sa Subway, LRT ito naman
Pangungulila ko’y pinaglalaruan
Iniwan ko man sila duon sa ating Bayan
Tuwing Sabado’t Linggo nama’y tinatawagan
Kinukumusta ang kanilang kalagayan
Upang mapunan ko’ng mga pagkukulang
Sa pananabik na makabalik sa king Bayan
May mga pagkaing laging inaasam-asam
Paksiw na ayungin, ginisang alamang,
Longganisang Lucban at tinapang tamban
Kasama ang pamilyang nagkakainan sa ilog
Lagaslas ng tubig sa paa mong nakababad
Di mo alintana mababatong paglalakad
Ingat lamang baka madulas at bumaligtad
Nais kong iukol itong katanungan
Sa nangariritong mga kababayan
Nang inyong lisanin yaong ating bayan
Katulad ko rin ba inyong naranasan?
Matay ko mang timbangin sa aking isipan
Ang naging bunga ng pangingibang-bayan
May pait at tamis, may ligaya’t lumbay
Luha ang katumbas ng bawat tagumpay
2006-10-19 05:56:41
·
answer #1
·
answered by endrshadow 5
·
3⤊
0⤋